[Verse 1]
Nag-iisang lumilipad ang langay-langayan
Anino niya'y tumatawid sa nanunuyong palayan
Tanging sagot sa sigaw niya ay katahimikan
At kaluskos ng hangin sa dahon
[Verse 2]
'Sang ikot pa, huling sulyap mula sa ibabaw ng bayan
Mga kubong pinatatag ng nipa at kawayan
Paalam na, paalam na ang awit ng langay-langayan
Ngunit walang nakasaksi sa palayo niyang lutang
[Chorus]
'Pagkat wala nang tao sa Sta. Filomena
Walang aani sa alay ng lupa
Nakayuko ang palay, tila bang nalulumbay
Tila bang naghihintay ng karit at ng kamay
[Verse 3]
Nahihinog ang bunga ng mga mangga't bayabas
Pinipitas ng hangin at sa lupa'y hinahampas
Sinisipsip ng araw ang tamis at katas
Iniiwan ang binhing umaasa
[Verse 4]
At pagdating ng tag-ulan sa pinaghasikan
Upang hugutin ang buhay mula sa kamatayan
Muling dadaloy ang dugo sa ugat ng parang
Subalit ang lahat na 'to'y masasayang
[Chorus]
'Pagkat wala nang tao sa Sta. Filomena
Walang aani sa alay ng lupa
Ang palay ay nakayuko, tila bang sumusuko
Naghahandog ng buhay sa karit at kamao
[Instrumental Break]
[Verse 5]
Lumilipad, sumisigaw ang langay-langayan
Nasaan ka at bakit ka nagtatago, taumbayan?
Panahon na, panahon nang balikan ang iniwan
Dinggin natin ang tangis ng abang langay-langayan
[Outro]
Dinggin natin ang tangis ng abang langay-langayan
Wala Nang Tao Sa Sta. Filomena was written by Joey Ayala.