[Refrain]
Saan ka patungo panganay ko
Ano ang hinahanap mo sa ating mundo
[Verse 1]
Ako'y tutungo sa siyudad
Upang hanapin ang kaluluwa nito
Papasukin ang mga pintuan at gusali niya
At hihiga sa kanyang semento
Ako'y tutungo sa siyudad
At sasagupa sa dahas nito
Ako'y sasama sa kanyang mga pulubi at pusakal
At yayakap sa kanyang aspalto
[Instrumental Break]
[Refrain]
Saan ka patungo panganay ko
Ano ang hinahanap mo sa ating mundo
[Verse 2]
Ako'y tutungong katedral
Upang tumitig sa mukha ng Diyos
Isasaulo ko ang bawa't guhit sa Kanyang mukha
At dadalhin ko Siya sa aking puso
Ako'y tutungong meskita
Upang tumitig sa mukha ni Allah
At kung matuklasan ko na
Ang Diyos at si Allah pala'y
Pareho ang mukhang pinapakita
Aking imumungkahi na dapat magkaisa
Ang lahat ng mga Muslim at Kristiyano sa lupa
[Instrumental Break]
[Refrain]
Saan ka patungo panganay ko
Ano ang hinahanap mo sa ating mundo
[Verse 3]
Ako'y tutungo sa ginintuang palasyo ng mga hari
Titingnan ko kung ang kulay ng mga haring ito
Ay tunay na tulad ng kulay kong kayumanggi
At kung matuklasan ko na
Ang tunay na kulay nila'y
Pintura sa mukha't balatkayo
Makikita ng mundo na ang nakaupo sa trono
Ay 'di hari kundi manika lamang
Hmm hmm
[Refrain]
Saan ka patungo panganay ko
Ano ang hinahanap mo sa ating mundo
[Verse 4]
Ako'y tutungo sa parang
Upang hukayin ang dunong sa lupa
Isip ko'y bubungkalin
Diwa ko'y itatanim at aanihin ko ang katotohanan
Ipamamahagi ko sa aking kapwa-tao
Ang mga bunga ng aking diwa
At kung may hahadlang sa pagbungkal ng isipan
Awitin ko'y magsisilbing sandata
[Refrain]
Saan ka patungo panganay ko
Ano ang hinahanap mo sa ating mundo
[Refrain]
Saan ka patungo panganay ko
Tila mapanganib ang adhikain mo
[Verse 5]
Itay ako'y patungo sa dulo ng mundo
Ang aking hinahanap ay ang kalayaan ko
Ito ang aking pakay at ako'y nakahandang
Ipagpalit ang buhay para sa kalayaan
Saan Ka Patungo Panganay Ko was written by Joey Ayala.